Thursday, March 4, 2010

Oras Na Naman Para Umupo Sa Trono

Dumating na naman ang oras upang magpalit ng pinuno ang kaharian ng Poso Negro. Napakarami ng gustong maghari; sino ba naman ang ayaw tingalain at maging mas mataas sa kanilang kapwa (nandyan na rin ang kayamanan na kasama sa pagiging isang pinuno). Matapos ang napakahabang proseso ng dakdakan, bayaran, siraan, pagsasanib-pwersa, pag-aaway, at madami pang iba't ibang kalokohan ay napagdesisyunan na ibigay ang pagkakataong mamuno sa pitong indibidwal; mayroon pa ring ibang indibidwal na nagnanais na maging pinuno ngunit alam naman natin na panggulo lamang sila kaya walang saysay na pagtuunan pa sila ng pansin. Sayangin na lang natin ang ating oras sa pagkilala sa pitong kandidato. Magsimula tayo kay Houdini; nais niyang mamuno ngunit bigla namang mawawala na parang bula tuwing may darating na krisis. Si McArthur naman, nandyan nga - kapag tapos na ang krisis. Si Bugret naman yung nakikita mong punung-puno ng palamuti sa katawan. Ngunit hanggang porma lang yan, wala siyang paninindigan; malambot.

Pahinga muna, napakahirap ilabas ng pitong kandidato sa publiko. Hindi lang sa pinapabigat nila ang hangin sa kapaligiran, masakit pa ang paglabas nila sa... bulsa. Magkamustahan na lang muna tayo. May napili ka na ba? Kung wala pa, eto pa; mayroon pang apat na kandidato. Kaya pigilian mo na ang iyong hininga dahil parating na sila.

Heto si Ligapot; wala talaga siyang matibay na paniniwala. Kumakampi at sumasang-ayon lang siya sa opinyon ng iba; kung kani-kanino kumakapit. Kaya napakadaling manipulahin. Ngunit kung gusto mo ng malakas ang paninindigan, nandyan si Tubol. Ngunit ang kanyang paninindigan ay para lamang sa sariling pakinabang; na kadalasan ay nagdudulot lang ng kahirapan.

Kaya pa? Dalawa na lang. Kaunting tiis na lang at makikilala mo na silang lahat.

Si Burabos naman, halos katulad lang ni Ligapot; wala ring matibay na paniniwala. Nagkakaiba lang sila sa paraan ng pagpapakita sa publiko. Hindi masyadong sugapa sa pansin si Ligapot; pero si Burabos, parati na lang explosibo ang pagharap niya sa publiko. At yung maingay na naririning mo ngayon ay si UST. Puro kayabangan lang ang alam niya; at kadalasan, sa maling lugar niya inilalabas ang kayabangan niya.

Ayan, nakilala mo na silang lahat. Maaari ka munang panandaliang bumuntong-hininga. Ngunit hindi dyan nagtatapos ang lahat. Kailangan mo pang tumayo at magdesisyon: umalis na lang at hayaan ang isa sa kanila ang maging pinuno, o maaari mo rin namang linisin ang sistema, gamitin ang kamay at i-flush ang inidoro.






(Wala akong pinapatamaang kandidato. Nagkataon lang talaga na pitong klase ng tae ang alam ko. Kung may alam ka pang iba, ituro mo naman sa akin.)